Endo

Si Juan na matalino, si Juan na magaling

Si Juan na masipag ay madaming hinaing

Tagal na sa trabaho kontraktwal pa din

Walang benipisyo, sahod ay kapos din

-

At sa katapusan,

tapos na ang kontrata ni Juan

Endo, endo, endo, endo, endo na naman

Wala na namang trabaho si Juan

-

Si Juan na matalino, si Juan na magaling

Si Juan na masipag ay madaming hinaing

Tanggal na sa trabaho, ipon ay wala rin

Walang pansustento, sa lahat ay bitin

-

At sa kakapusan

Gutom na naman pamilya ni Juan

Hanap, hanap, hanap, hanap, hanap na naman

Kailangan ng trabaho ni Juan

-

Si Juan na matalino si Juan na magaling

Si Juan na masipag, dapat nang dumaing

Maayos na trabaho, regular at sapat

Merong Benipisyo, sahod ay tapat

-

At sa kalabisan

Sistema’y tinututulan na ni Juan

Kapitalista’y nilalabanan na ni Juan

Para sa kinabukasan ni JuanImage

Posted in feeling makata, sa tingin ng malabo kong mata | Tagged , , , , , , | Mag-iwan ng puna

I Hate Math!

Kung may isang subject na sinusumpa ko nung nag-aaral ako, iyon ay ang Math. Mga nakakahilong numbers, nakakalula at mga komplikadong computation. Sabi nga sa isang old school na joke “tanungin mo na ako ng lahat, wag lang Math.” Oo joke ‘yun, pero diba nga, jokes are half meant diba?

Pero wala akong magagawa, sabi nga ng famous philosopher (pamosong pilosopo) na si Joey de Leon, “simula pinanganak ka hanggang mamatay ka nandyan na ang Math”.

Totoo ‘yun, hindi ka pa nga pinapanganak may Math na kaakibat at nakatali sa pagkatao mo. Isipin mo, siyam na buwan kang nasa loob ng tyan ng nanay mo. Anong oras at petsa ka pinanganak? Ilan ang timbang mo nang pinanganak ka? At taun-taon nagdadagdag ka ng isang taon sa iyong edad.

Hanggang sa magkaisip ka at tinuturuan ka na ng nanay at tatay mo na magbilang ng 1-10. Hanggang nalaman mo kung ilan kayong magkakapatid. Hanggang sa pagbili mo ng candy, magkano kendi? Magkano pera mo, magkano sukli mo. Natuto ka ng manood ng TV, anong oras ang paborito mong palabas? Ilang oras ipapalabas?

Hanggang sa mag-aral ka na sa pormal na paaralan at dito mo pormal na nalaman kung ano ba ang Math. At hindi na lang basta 1-10 lang ang alam mong bilang. Mag-aaral ka ng humigit kumulang 14 years sa paaralan. May Math simula sa oras ng pasok at uwian mo, pati na magkano ba baon mo. Ilang kayong magkakaklase. Ilan ang guro. Sapat yun bilang ng guro para matuto ng husto ang mag estudyante. Ilan ang guro (quantity) ilan ang magaling (quality) Pero hindi lang jan nagtatapos ang Math.

Matapos kang makapag-aral ay maghahanap ka na ng trabaho, makaka-ilang kumpanya kaya ang pag-aapplyan mo. Magkano ‘yun sahod? Sapat ba yun para buhayin ang pamilya mo? Malamang hindi. Magkano kita ng kumpanyang pinapasukan mo? Magkano yun napupunta sa kapitalistang may-ari. Totoo bang nalulugi yun kumpanya o gusto lang nya ng mas malaking kita. At bakit 6 na buwan ka lang sa trabaho? Makakailang kumpanya kaya ang papasukan mo dahil sa kuntraktwalisasyon? Magkano kaya maiipon mo sa pagtatrabaho? Malamang wala.

Dahil ikaw ay may trabaho na tingin mo ay pwede ka ng mag-asawa. Ilang buwan/taon nga naging kayo bago ka magpakasal? Kailan yun kasal mo? Makakailang anak ka kaya?

Pero hindi lang sa sarili mo may math maging sa lipunan. Ilan ang population ng lugar nyo, ng Pilipinas, ng buong mundo. Ilan nga yun binobotong President, Vice President, Senator, etc. Ilang taon sila uupo sa pwesto. Magkano nakuha ni Congressman sa kaban ng bayan nyo. Ilan yun dineklara nyang SALN, magkano yun nasa bank account nya? Kahit hindi mo na i-subtract ay kita mo na ang pagkaka-iba.Itatanong mo sa sarili mo kung Bakit ang laki ng diperensya? Ilang babae ang namamatay dahil sa panganganak.

Maging sa iyong kamatayan ay may Math. Ilang taon ka nang namatay. Anong oras. Anong sukat ng kabaong mo. Kailan ang pa-syam, pa-40 days at paisang taon.

Hindi lang yan ang math sa buhay mo. Madami pa yan. At kahit ayaw natin ng Math wala talaga tayong magagawa nandyan na yan. Hindi mo na ‘yan maihihiwalay sa buhay mo. At tulad ng sa Math, kailangan din nating ianalisa ang amga problema pansarili man o panlipunan. Kailangang ianalisa para masagot natin ang problema. Pero di tulad ng sa Mathematics, walang eksaktong formula para masagot natin ang problemang panlipunan. Pero wala man eksaktong formula meron lang ilang hakbang para masagot ang problema, Ito yun pagsusuri, pag-aanalisa at  pakikialam. Oo pakikialam dahil hindi masasagot ang problema kung wala kang gagawin.

| Mag-iwan ng puna

Ang Gugulo Mo! (Ang Lalabo Mo! Part 2.0, Facebook Edition)

Gusto ko sana magsulat ng tungkol sa social networking site. Pero Facebook lang yun ginagamit kong site. Hindi ko pa sinusubukan yun Google +. Ayoko na din pag-aksayahan ng panahon ang friendster ko. Tapos binura ko naman yun Twitter account ko, nakakaparanoid kasi yung Twitter. Feeling ko kasi people are following me. Nakakaparanoid talaga yun.

Ang Facebook ay isa sa mga kilalang social networking site, dahil na din sa dami ng pwede mong gawin dito. Nandyan yun pwede ka mag-upload ng pictures, video, at yun makipag-communicate. Dahil din sa Facebook, muli mong natunton ang mga taong matagal mo ng hindi nakikita. Dahil nga sa effectiveness nito sa communication ay malaki ang binaba ng mga text messages na pinapadala ng pinoy kada araw.

Dahil sa Facebook ang dami kong narealize. Nandyan yun narealize ko na I “like” so many things. Narealize ko din na hindi masama ang vandalism, because people keep writing on the “wall” at walang naninita. Nandyan din yun OK lang pala na mang-“poke” ng ibang tao at hindi sila magagalit (bakit kaya hindi nila dagdagan ng kick, slap, punch buttons ang FB). At sa talambuhay ko, sa Facebook lang ako naging milyonaryo. Saka dito ko nalaman na hindi mo na kailangan ng telenobela, status pa lang madrama na. At ang spam ay masarap sa tinapay, pero hindi sa web.

Pero alam nyo, kahit sa Facebook ang gulo natin. Parang hindi natin naiintindihan ang mga bagay bagay. Isipin mo ang tanong “what’s on your mind?”, tapos sasagutin natin ng “is eating dinner with family” o kaya naman “tamabay sa mall”.  Ang tinanong ay kung anong naiisip/iniisip mo, hindi kung ano ginagawa mo, o kung nasaan ka. Tapos may status pa na “happy, sarap mag mall”, “enjoying the moment”, “party party”, pero  kung talagang nageenjoy ka, hindi na mo na magagawang  magfacebook pa. (pwera na lang KSP ka)

At syempre kapag nag-status, hindi mawawala dyan yun “comment”. Tol alam mo ba ibig-sabihin ng comment? Ibig sabihin bibigyan mo ng puna yun status nya. Tol pwede mo i-PM yun tao wag nyo gawing chatbox yun commentbox.

Kapag may status at comment, meron din ‘like”. Pero sana wag natin i-like yun mag hindi natin naintindihan. At wag natin i-like kung hindi naman talaga natin nabasa, napanood o nakita yun link na binigay. Ang labo mo eh. Hindi yun exam kaya wag ka mapressure na sagutan.

Tapos minsan yun mga photos na wala ka naman o hindi naman relevant sa pagkatao mo, ita-tag sayo. Wag ganun. Minsan tuloy gusto ko dagdagan yun buttons  Facebook tulad ng “dislike” “agree” “disagree” “idk” “sweet!” “nice” “no way!” “liar!” “lol” “that sucks” and “i don’t care” buttons. O kaya papalitan ko yun name ko ng No One, para kapag nai-tag ulit ako sa mga picture o status na hindi ko gusto. ila-like ko para ang lalabas sa notification nya, “NO ONE LIKES YOUR PHOTO”. Lalo na yun mga photo na business ad, “wanna have money thru facebook?” na mga photos. Kung gusto mo kumita ng pera madali lang yun “Log-in to your facebook account, go to account the privacy setting, then go to security settings, and click the deactivate account, then go back to work”

Saka tol, paalala lang, hindi psychiatrist yun facebook, kaya wag ka magsabi dyan ng problema mo. Huwag kang maniwala na “What happen on Facebook, stays on Facebook”, Hindi yan Las Vegas tol. Sabi nga ni Gang Badoy, ‘if you can’t say it in personal wag mo sabihin”

Pero ganun talaga, kaya ang tanging masasabi ko lang ay WTF (Welcome to Facebook) :-)

| 1 Puna

Itanong mo sa Estudyante, Google ang Sasagot!!

 

 

 “Education must enable a man to become more efficient, to achieve with increasing facility the legitimate goals of his life.”

– Martin Luther King, Jr.

 

Sa panahong ng makabagong technolohiya, hi tech na din ba pagkatuto?

Sabi nila ang kalidad ng edukasyon sa PIlipinas ay patuloy na bumababa. May kinalaman ba dito si Google?

Si Google ay isang napakalaking tulong upang mapadali ang buhay. Hindi mo na kailangan magpagod para pumunta sa mga malalayong library (wala kasing maayos na libro sa library ng school).  Hindi mo kailangan magpagod sa kaba-byahe. Dahil sa Google alam mo na kung ano ang latest sa mga latest. I-type mo lang yun mga key words sa mga hinahanap mo at si Google na ang bahala sayo.

Sabi ng (ehem) matatanda, wala daw sinabi yun estudyante ngayon kesa noong panahon nila (sige kayo na).  Dati kasi kapag may research sa eskwela, obligado ang mga estudyante na pumunta ng MGA library para mag-research. Pero ngayon isang lugar lang ang pupuntahan ng mga estudyante kapag may research.  Ang makapangyarihang computer shop. Dito igugugol ng mga estudyante ang kanilang oras para mag Online games o pumunta sa social networking sites, o kaya porn sites (sex education? hindi din.) Yun research secondary lang na gagawin, madali lang naman yun. pag may kailangan ka i-google mo ok nay un. crtl + c, crtl + v, konting edit, konting revise, ctrl + s, ctrl + p, olla, may research ka na. ang dali diba?

Yun nga lang pagdating ng exam, olats ka. Kasi hindi mo naman talaga binasa yun mga research, assignments, projects mo. Kaya ayun, ang tanging nagawa mo na lang ay alamain kung nakapagreview ang katabi mo.  Kapag nalaman mong naka-pagreview sya, kanta ka na lang ng Pananagutan. “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang/Walang sinuman ang namamatay para sa sarili lamang/Tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t-isa”.  Kung hindi umepekto  katabi mo yun kanta na yun suhulan mo ng kahit ano, pagkain, pera kahit ano, at muli sabayan mo ng isang awit “Kunin at tanggapin ang alay na ito/mga biyayang nagmula sa pagpapala mo”.Kung talagang madamot yun katabi mo sa sagot. Pag-igihin mo ng mabuti yun pangongopya mo o panghuhula mo.

Hindi naman kita masisisi kung nangongopya ka. Kasi mahirap naman talaga yun sistema ng pagtuturo at pagkatuto sa paaralan. Isipin mo naman kailangan mo kabisaduhin ang mga bagay na hindi mo naman masyadong mapapakinabangan sa tunay na buhay. Walang practical use.

May kinalaman nga ba ang teknolohiya sa patuloy na pagbaba ng kalidad ng edukasyon? May kinalaman nga ba ang bestfriend nating si google na laging nandyan kapag may tanong tayong hindi natin kayang sagutin? Kung titignan natin, walang kinalaman ang google sa pagbaba ng kalidad ng edukasyon. May mali kasi sa sistema pagkatuto sa paaralan. Paano tayo matututo sa paaralan kung ang nagtuturo sa atin ay hindi naman na dekalidad. Minsan imbis na magturo ay nagbebenta pa ng insurance at ng classic na tocino. Sabagay hindi naman natin sila masisisi kung wala silang ganang magturo at nagbebenta ng anik-anik, sa baba ba naman ng sahod nila gaganahan pa ba sila? May sistema kasi sa lipunan na hindi tama at syang nagpapahirap hindi lang sa mga estudyante kundi sa lipunan mismo.

Balik tayo sa Google at estudyante. Totoong nasasagot ng Google ang karamihan sa tanong ng mga estudyante. Pero hindi nito kayang sagutin ang pangangailangan mo bilang estudyante, at higit sa lahat bilang tao. Hindi simpleng paghahanap sa Google ang makakasagot sa  problema mo. Sabi nga ng isang speaker sa napuntahan kong seminar dati,  “Matapos mong sabihin ang lahat ng masasabi, ang pinakamahalaga ay hindi mo pa din nasasabi. Dahil ang pinaka mahalaga ay hindi sinasabi, ito’y ginagawa” . Ibig sabihin, higit sa pagsasabi ng hinaing o problema, kailangan mong  umaksyon. Dahil may maling sistema sa lipunan kailangan natin itong labanan. Kailangan natin itong aksyunan.

\m/

RakEnRol

Posted in sa tingin ng malabo kong mata | Tagged , , , , , , , , | Mga Puna

Ang Lalabo Mo!

Sabi nila ang labo-labo ko daw kausap, sabi ko naman “Bakit pag kausap ko naman ang sarili ko hindi naman ako nalalabuan?” Pero kung nalalabuan sila sa akin, Okey lang, nalalabuan din naman ako sa kanila eh. Pero sa totoo lang Malabo talaga tayong kausap. Usapan ala-una, dadating alas dos, labo diba?

Hindi lang sa usapan sa oras natatapos ang pagiging malabo natin. Hindi ko alam kung sa Pilipinas lang nangyayari na ang isang tanong ay sinasagot ng isa pang tanong. Kaya ayun nauuwi na naman sa kalabuan at hindi pagkakaintindihan. Halimbawa,

Siga1: Bakit ang sama mo makatingin?

Siga2: Bakit papalag ka?

Siga1: Anong problema mo?

Siga2: Bakit masususlusyunan mo ba?

Siga1: Ang yabang mo ah, Hindi mo ba ako kilala?

Siga2: Hindi bakit? Hindi mo din ba ako kilala?

Epal: ahh away na yan oh, away na yan, kung matapang ka hawakan mo nga sa tenga.

Diba ang labo natin, ang tanong sinasagot ng tanong. Tinatanong pa kung “Hindi mo ba ako kilala?” diba ayun nga ang isa pang dahilan bakit sila nag-away? Sabi ng famous philosopher na si anonymous “ang taong mahilig magtanong ay taong matalino”. So, ibig sabihin ba, matalino tayong mga Pilipino? Dahil lahat tayo mahilig magtanong. Yun nga lang mukhang nasobrahan tayo sa tanong kaya nagging sobrang matalino din ata tayo. Kaya lang sabi ulit ni Anononymous “lahat ng sobra masama”. Dahil sa sobrang matanong, minsan masama ang inaabot.

Pero hindi lang ayan ang astig sa Pilipinas. Kung hindi tayo sumasagot ng patanong, sumasagot naman tayo ng hindi tinatanong. Halimbawa

(nagkabati si siga1 at siga2)

Siga1: kumain ka na?

Siga2 : Busog pa ako.

Ang labo naman diba ? Oo o Hindi lang naman ang isasagot sa tanong na yun. Minsan naman

(textmate ni siga1 si siga2)

Siga2 : Nasaan ka ?

Siga1 : Dito, nakatambay.

Ang tinatanong ay pangalan ng lugar at hindi kung anong ginagawa.

Isa pang malabo natin katangian ay ang pagiging mabait, mabait nga ba ? Ahhh basta parang ganun. Yun tipong kapag kumakain tayo. Tapos may makikita taong kakilala, aalukin natin ng pagkain. Kahit hindi naman natin gustoo mamigay. At kapag ikaw naman yun inalok ng pagkain minsan sasabihin mo “Salamat, busog pa ako”, Kahit sa totoo lang gutom na gutom ka na.

Hindi ko alam kung mamamangha ako o malalabuan. Pero malamang malalabuan, kasi kung mamamangha ako hindi na ako malilito kung mamamangha ba ako o malalabuan. Pero yun pagiging malabo natin, Hindi kaya repleksyon lang yun ng pagiging malabo ng ating kultura. Ang labo ng kultura natin, isipin mo nasa Asya tayo pero hindi pang-Asyano ang kultura natin. Mas pang-kanluran ang kultura natin. Pilipino tayo pero gusto natin magkaroon ng magkaroon ng British o American accent, kahit mapilipit pa ng husto ang dila natin. Ang kultura ay may malaking bahagi ng sa ating lipunan, dahil malabo o magulo an gating kultura ay nagiging malabo din ang ating ekonomiya at pulitika.

Posted in sa tingin ng malabo kong mata | Mga Puna

Hindi ako Unli!

Unli, short for Unlimited. Sa panahon  ngayon na halos lahat ng bagay ay parang unlimited. Unlitext, unlitext, unlirice, unlisurf, unlimited lugaw, bottomless icetea. Ang saya diba?

Pero kahit sabihin nating Unli ang mga bagay, nagbayad ka pa din.

At dahil nasanay tayo sa unlimited, akala na natin ay unlimited na ang lahat. Hindi Unli ang kalikasan. Nauubos din yun. Hindi unli ang ozone layer, numinipis din yun.

May mga ilang Tao kasi na akala ata ay unli ang resources. Nadyan si  Sam at ang kanyang tropa na akala yata ay Unlimited ang kalikasan. Sila Sam na nagnanakaw ng mga halaman sa bakudan ni Juan. Para gawin nilang kung anoman. Sila na nagbebenta ng mga nakuha nilang produkto mula sa bakudan ni Juan. Sila na hindi nakuntento sa pagkuha ng resources sa bakudan ni Juan at kinuha pa si Juan na taga-benta nila ng produkto.  Dahil sa mga ginawa nilang pag sira, hindi lang sa bakudan ni Juan maging sa ilang kapitbahay nito ay nagkaroon ng matinding pagbabago sa paligid. Nadyan yun mainit, napakainit, sobrang init na nakakapagpainit din ng ulo. Minsan naman sobrang ulan, napakalakas na ulan, bumabaha sa kalsada, kasabay ng pagbaha ng luha.

Pero diba ang UNLI ay may bayad. Nagbabayad tayo sa Unlitext sa Telecom Network na nagprovide ng system, nagbabayd tayo ng Unlisurf para sa broadband, nagbabayd tayo ng Unlirice sa restaurant.  Eh si Sam at ang tropa nya na nakinabang sa Unlirecources?  Bakit hindi sila nagbabayad? Nakalimutan ba nila o wala lang silang balak magbayad. Dahil baka nga wala silang bayad magbayad sa ginamit at sinira nilang recources kay Juan at sa mga kapitbahay nito. Hindi ba dapat sinisingil sila. Tama dapat sila ay singilin. Dapat sila ay magbayad. Diba? Diba?

 

para lang mas maintindihan mo ito ang link.

http://www.worldbankoutofclimate.org/

Posted in sa tingin ng malabo kong mata | Tagged , , , , , , | Mag-iwan ng puna

ayoko na!

kakapa-kapa ka pa sa kapayapaan

kakabakaba ka ba sa kinabukasan

kumilos ,wag mailang at alinlangan

baguhin ang nakasanayan at nalalaman

 

ang gulo’y tuloy tuloy, di tumitila

malupit, pinagkakait ang langit sa lupa

mga taong di makatao ang trato sa kapwa

inaalipin, inaalisan, inaagawan, kinakawawa

 

binabalasa, dinadala sa pagkawasak

pinapaasa, di nalalasap ang sarap

pag-asa’y ginagahasa pinahapamak

nag-aasal animal, utak nagkalamat

 

kung maduming isip ang mamamayagpag

lahat ng sentenya’y kamatayang lalatag

dapat maging mapayapa, kasi kung mamaya pa

madaming mamamayang mamamayapa

 

paano ako kikilos at maglalakbay?

kailangan ko ng katuwang at ka-akbay

dapat nating wakasan ang wasakan

at ating kinabukasan bantayan

Posted in feeling makata | Tagged , , , | Mag-iwan ng puna